HomeUniversitasvol. 10 no. 2 (2022)

Lirip, Bantula at Hasik: Ang Integrasyon ng Modelong CRAAP sa Pagtuturo ng Mapanuring Pagbasa at Pananaliksik sa Panahon ng Misinformation at Disinformation

Marnel B. Caga

 

Abstract:

Malaki ang ginagampanang papel ng pagtuturo ng pagsusuri ng mga teksto at pagsulat ng pananaliksik sa antas ng Senior High School. Nililinang at pinayayaman nito ang karanasan at kasanayan ng mga mag-aaral at iniiwasan ang pagpapalamlam ng diskurso sa pagkahirati sa mga impormasyong hindi wastong sinuri o walang krebibilidad. Sinuri sa pag-aaral ang kabisaan ng modelo at iniugnay ang konsepto ng lirip, bantula at hasik sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa Baitang 11. Tatlumpung mag-aaral (30) ang naging tagatugon sa isinagawang pag-aaral gamit ang palarawang metodo (descriptive method) sa pananaliksik at mga talatanungan na dumaan sa balidasyon ng sampung ekspertong guro sa Filipino. Ginamit din ang kuwantitatibong metodo upang malaman ng mananaliksik ang demograpikong propayl ng mag-aaral na may kaugnayan sa misinformation at disinformation. Lumabas sa pag-aaral na mahalaga ang paglilirip (pagninilay), ang bantula o paggamit ng mga kasanayan bilang panawagan sa katotohanan at etika sa akademiya, at paghahasik o pagpapakalat ng kamalayan sa mga mag-aaral kung paanong maingat na makakalap ng mga impormasyon at sanggunian para sa pagsulat ng makabuluhang pananaliksik sa Filipino. Inilahad din sa pag-aaral na naging mabisa sa pag-unawa ng mga mag-aaral at paglinang sa kasanayan sa pagsulat ng pananaliksik ang paggamit ng Modelong CRAAP.