HomeMabini Review Journalvol. 10 no. 1 (2021)

Kagamitan ng Eupemismong Meranaw at Tungkuling Panlipunan Nito

Edna M Alon

 

Abstract:

Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa Kagamitan ng Eupemismong Meranaw at Tungkuling Panlipunan nito. Ito ay dinesenyuhan ng diskriptibong uri ng pananaliksik na gamit ang Politeness at Sex and Politeness bilang teorya. Layunin ng pag-aaral na ito na makalap ang mga eupemismong ginagamit ng mga Meranaw; matukoy ang mga kagamitang taglay ng eupemismong Meranaw; malaman ang tungkuling panlipunan ng mga eupemismong Meranaw; at mailahad ang implikasyon ng eupemismong Meranaw sa pangaraw-araw na pakikipagkomunikasyon sa lipunan. Ang paggamit ng mga eupemismo ay nag-uugnay sa kagamitan at tungkulin nito sa lipunan. At ang mga kagamitan na ito ay maaring sa larangan ng pakikipagtalastasan sa araw-araw, sa magka-ibang kasarian, antas ng lipunan, at pananaw ng bawat indibidwal. Sa mga kagamitan na ito nakatago ang mga tungkulin nito sa lipunan gaya ng tungkulin ng kagandahang asal, pagtakpan ang katotohanan, umiwas sa paggamit ng mga salitang taboo, at magkaila. Ang paggamit ng eupemismo sa pakikisalamuha sa harap ng isang tao o maging sa pampublikong lugar ay tanda ng pagkakaroon ng magandang ugali at pagiging marespeto sa kapwa. Layunin ng mga salitang eupemismo na pagaanin ang mga bagay o sitwasyon na para sa iba ay masakit at nakakasaling damdamin. Sa pamamagitan ng pagbihis dito ng mga kaayaayang salita na kung hindi man nakasisiya ay nakakabawas naman ng sakit na nararamdaman.